Kasaysayan ng Komiks



Sinasabing ang bayaning si Jose Rizal ang kauna-unahang Filipino na gumawa ng komiks. Noong 1884 ay inilathala sa magasing "Trubner's Record" sa Europa ang komiks strip nya na "Pagong at Matsing". Ito ay halaw ng bayani mula sa isang popular na pabula sa Asya

Mula 1896 hanggang 1989, habang ang Pilipinas ay dumadaan sa yugto ng rebolusyon, ilang magasin ang lumabas mula sa Maynila na may nakaimprentang cartoons. Dalawa sa mga ito ay ang "Miao" at  "Te Con Leche". Sa pagkatalo ng Pilipinas sa digmaan, maraming Pilipino na kontra sa pamamahala ng Amerikano ang lumipat sa malalayang pamamahayag. Ang mga nasyonalista ay binitawan ang kanilang rebolusyonaryong pamamaraan upang lumathala ng ilang babasahing satiriko upang batikusin ang mga kolonyalista. Karamihan sa mga magasing ito ay nakalathala lamang sa Tagalog at Espanyol, ang dalawang wikang hindi naiintindihan ng mga Amerikano. Noong 1907, inilathala ang "Lipang Kalabaw", isang magasin na nasa ilalim ng pangangasiwa ni Lope K. Santos. Ang magasin na ito ay nasa wikang Tagalog, at nagtataglay nhg mga satirikong cartoons na patungkol sa mga Amerikanong opisyal. Ang paglalathala ngh magasin na ito ay natigil noong 1909. 

Ang mga unang serye ng Filipino komiks ay lumabas simula noong 1920 bilang page filler sa mga magasing Tagalog. Dalawa sa mga magasing ito ay ang "Telembang" at ang muling binuhay na "Lipang Kalabaw", na nagtataglay ng mga satirikong cartoons na laban sa mga Amerikano at mga pederalista. Ang dalawang komiks na ito ay maaaring ituring na nagpasimula sa mga komiks sa Pilipinas. Dalawang komikis sa mga magasin na ito ang naging popular sa mga Pilipino noong mga panahong iyon: ang "Kiko at Angge" sa Telembang, at ang "Ganito Pala sa Maynila" sa bagong Lipang Kalabaw.

Noong 1923, isinilang ang Tagalog magasin na Liwayway. Sa simula ay hindi pa ito nagtataglay ng mga serye ng Komiks, pero pagdating ng 1929, inilathala kasama ng magasin ang "Album ng Mga Kabalbalan ni Kenkoy" bilang isang filler sa entertainment section nito. Ang karakter na si Kenkoy ang bida sa seryeng ito, isang nakatutuwang batang Pilipino na naging representasyon ng mga kabataang m ay pagiisip na kolonyal noong 1930s. 

Noong 1946, lumabas ang unang regular na nailalathalang magasin ng komiks, ang Halakhak Komiks. Tumagal lamang ang Halakhak ng sampung edisyon dahil sa kakulangan ng maayos na distribusyon. Hindi tuluyang namatay ang industriya ng komiks dahil noong 1947, lumabas ang Pilipino Komiks, sa ilalim ng pamamahala ni Tony Velasquez. Ito ay nagbukas daan para sa iba pang magasin ng komiks na mailathala.

Pagkatapos nito ay sunod-sunod na lumabas ang mga naging sikat na komiks tulad ng Tagalog Klasik noong 1949, at Silangan Komiks noong 1950. Ang unang komiks na Silangan ay lumabas noong March 15, 1950 sa ilalim ng pamamahala ng edito na si Ben Cabailo, Jr. Ipinagmamalaki nito ang mga pinakabata at magagaling na ilustrador ng panahong iyon; Nestor Redondo, Alfredo Alcala, Nolasco "Noly" Panaligan, Elpidio Torres at Antonio de Zuniga. Isa sa mga sumikat na kuwento mula sa Silangan ay ang "Prinsipe Ahmad, Anak ni Aladdin", likha ni Alfredo P. Alcala.

Ilang linggo matapos ilabas ang unang komiks ng Silangan, inilathala ang Aksiyon Komiks ng Arcade Publications. Naging editor nito si Eriberto Tablan, at sina Alfredo Alcala at Virgilio Redondo ang mga punong ilustrador. Sumunod sa mga ito ang Bituin Komiks (April 1950), Bulaklak Komiks (August 1950), Pantastik Komiks (October 1950), Hiwaga Komiks (1953). Dito nagsimula ang isa sa pinakamalaking industriya ng komiks sa buong mundo, kaya noong kalagitnaan ng 1950s, himdi man opisyal ay itinuring ang komiks bilang pambansang libro ng mga Pilipino. Mayroong dalawampu o mahigit pang titulo ang komiks sa mga tindahan. 

Lumawak pa ang mga ginamit na anyo sa paggawa ng komiks. Noong 1950s, kumuha ng inspirasyon ang komiks mula sa ibang anyo ay literatura tulad ng komedya, alamat, mga paniniwala at maging sa mitolohiyang Pilipino. Ang mga naunang komiks na Tagalog ay mayaman sa mga kwentong patungkol sa aswang, kapre, nuno sa punso, tikbalang at iba pang mga karakter na mga sinaunang paniniwala ng mga Pilipino. 

Ang ilang komiks ay hinango ang mga ideya ng karakter sa mga komiks ng Amerika, tulad ng Kulafu at Og (Tarzan), Darna ( Wonder Woman o Superman), at D.I Trece (Dick Tracy). 

Sa panahon ng Martial Law, ipinatanggal ang ilan sa mga nilalaman ng komiks. Ipinag-utos niya ang paggamit ng murang papel na ginagamit sa komiks. Naapektuhan nito ang itsura at kalidad ng komiks, kaya naman bumaba ang benta ng mga ito pagdating ng 1980s. 

Nagresulta ito sa pag-alis ng mga ilustrador ng komiks sa Pilipinas para magtrabaho sa parehong industriya sa Amerika. Kabilang dito sina Alfredo Alcala, Mar Amongo, Alex Niño, Tony de Zuniga, Rudy Nebres, at Nestor Redondo.

Pagkatapos ng Martial Law, muling namuhunan ang industriya ng komiks sa mga makabagong mamamasa. Dramna ang naging usong tema sa komiks, sa pagpapasikat ng mga manunulat na sina Pablo S. Gomez, Elena Patron, at Nerissa Cabral.

Ang pagbabalik ng interest sa komiks ay btumagal lamang hanggang sa simula 1990s kung kailan nagsimula nang mahumaling ang mga Filipino sa ibang anyo ng paglilibang tulad ng video games, karaoke, 'pocekt book novels', 'cellphones', at sa bandang huli - Internet at text messaging.

Maraming gumagawa ng komiks ang nagtipid sa produksyon, binawasan ang sweldo ng mga manunulat at ilustrador, gumamit ng murang papel, at dinamihan ang mga pahinang nakatuon sa showbiz kaysa sa komiks. Dahil sa baba ng sweldo, ang mga manggagawa sa industriya ng komiks ay nawalan na ng gana sa paggawa ng bagong istorya. Ang mgs manunulat ay napilitang ulitin na lamang ang mga lumang kweto, at ang guhit ng mga ilustrador ay pangkaraniwan na lamang. Samakatuwid, hindi na nito nasasalamin ang mayamang tradisyon ng komiks na nasimulan noon. 

Ang mga salik na ito ang nagtulak upang bumababa ang konsume ng komiks kahit maging ng mga tagahanga nito. Patuloy pang nanghina ang industriya hanggang sa napilitan na ang mga gumagawa ng komiks na magsara at kanselahin ang kanilang titulo.

Sa taong 2005, wala ng klahit anong kumpanya o malaking tagalimbag ng komiks sa Pilipinas. Aang mga naiwan ay ang mga maliliit na naglalathala ng sariling titulo ng komiks. 




Comments

Popular Posts